Mag-ingat ng pagsakay ng bus!
Ang may akda nito ay ayaw na sanang magkomento tungkol dito pero sa naririnig nating laging mga balita tungkol sa napakaraming mga aksidente ng bus at trak ay hindi na makatiis at minarapat na ding gumawa ng ganitong blog at baka may mabait tayong mambabatas na gumawa ng batas alinsunod sa artikulong ito!
Hininhingi ko din ng tulong sa mga makakabasa nito na ito ay i-share ninyo sa inyong mga kaibigan ng sa gayun ay kumalat ng kumalat ito, sa ganitong paraan ay maaring mabawasan kung hindi man mawala ang napakaraming aksidente sa ating bansa, may narinig na ba kayong bansa na ganito karami ang aksidente, sa palagay ko wala pa dahil lagi akong nanood ng balita gayun din sa mga balita sa internet!
Paano ho ba tayo makakapag-ingat? Ang inyong lingkod ay nagbiyahe na ang mula Aparri hangang sa dulo ng Mindanao ng nakasakay lang ng bus, at sa maniwala kayo o sa hindi, pag nakikita kong wala sa wisyo ang driver ay pinagagalitan ko, at ang lagi kong sinasabi "Marami ang dala-dala mong buhay, hindi lang ang buhay mo", pag narinig na niya iyon ay tiyak na magbabago na siya ng pagmamaneho!
Kung kayo ho ay nakasakay ng isang bus, lalo na kung ito ay malayo ang biyahe, huwag kayong mahiya na magtanong sa driver, kung nakatulog na ba siya ng maayos, o baka nakainom siya, at kahit na anong tanong para maging alerto siya sa pagbibiyahe, at obserbahan din siya kung naka-droga (Madaldal ang naka-droga parang lasing) dahil buhay ninyo ang nakataya diyan sa pagmamaneho niya!
Alam ninyo ba na 95 % ng mga driver ang hindi namamatay pag may aksidente sa bus, bakit ho ba nagkakaganoon, karamihan ng namamatay ay may head injuries, ang driver ay nagkakaroon ng pagkakataon ng takpan ng kanyang mga braso ang kanyang ulo dahil alam niya kung mababanga o mahuhulog ang kanyang minamaneho, ang mga pasahero ba ay alam iyon, hindi ho di ba?
Kung sakali na ito ay mangyayari sa inyo, huwag nawang ipahintuloy ng Diyos, ay maging instinct na sa inyo na ulo kaagad ang proteksiyunan ninyo, ipulupot ninyo ang inyong mga braso panangalang sa inyong ulo, hindi na baleng magkapilay-pilay kayo kesa mamatay, kung maari nga naka-helmet lahat kayong sasakay sa bus dahil hindi ninyo alam ang mga ito:
Karamihan sa mga bus driver ay hindi nagdaan sa non-pro ang lisensiya, from student permit, punta agad sa pro dahil gusto nilang magtrabaho ay kukuha agad ng pro dahil napakadaling makakuha nito basta may pera ka lang walang problema!
Karamihan sa kanila ay hindi kumuha ng written examination sa pagmamaneho ng bus, alam ninyo ba na napakahirap ng written examination ng pro license, papaputol ko ang t... ko kung makapasa sila sa examination ng pro, kahit na yung matagal ng nagmamaneho ng bus, yung ngang mga traffic sign di nila alam kung ano ibig sabihin makapasa pa kaya?
Alam ba natin na karamihan sa kanila ay galing sa pagmamaneho ng tricycle o kaya jeepney, hindi ko naman tinatawaran ang kakayahan nila dahil ang eksperiensiya ay mas magaling kesa sa nakapag-aral pero hindi dito sa pagmamaneho, hindi iyon kapanipaniwala dahil buhay lagi ang nakataya dito!
Alam ba natin na lagi silang nagmamadali sa pagmamaneho kahit na may problema ang sasakyang bus dahil ang bayad sa kanila ay per biyahe?
Sino ba ang may problema dito sa mga nangyayaring aksidente ng mga bus, ang operator, ang driver, o ang gobyerno? Kung tutuusin lahat sila may problema kaya dapat lahat sila magbayad sa naulila ng mga namamatay!
Ano-ano ba ang mga dapat gawin para di na maulit ang mga ganitong aksidente sa bus o trak, ang mga ito ay suhesyon lang at hindi ko sinasabing gawin ng mga kinauukulan, at baka sabihin ninyong wala naman akong alam sa inyong mga kalakaran!
Una: Dapat uling bigyan ng written examination ang mga driver ng trak at bus, Tagalog na lang at tiyak hindi naman nila ipapasa kung English, ang mga hindi makapasa huwag ng pagmanehuhin ng bus, sa jeepney o tricycle na lang siya!
Pangalawa: Gawin na lang Tagalog ang lahat ng traffic sign, karamihan kasi sa kanila hindi naman pinag-aralan ang mga senyales sa daan!
Pangatlo: Huwag ng per biyahe ang bayad sa mga driver para hindi nagmamadali, gawin ng arawan na katulad ng mga empleyado ng kumpanya, huwag ng maging suwapang ang mga operator dahil mas malaki ang mawawala sa inyo kung magkaka-aksidente ang inyong mga bus!
Pang-apat: Igaya na natin sa Amerika ang mga driver ng mga bus o maging pribado man, lahat dito kailangan naka-insured ang driver bago mo mairehistro ang iyong sasakyan, hindi mo mairerehistro ang sasakyan pag walang designated driver, at pag marami kang aksidente mataas ang bayad mo ng insurance premium, at mayroon silang bilang kung kukumpiskahin na ang lisensiya mo, at pag wala ka namang aksidente, bukod sa mababa ang bayad mo ng insurance papadalan ka pa ng pagbati o citation every year na wala kang aksidente. Di ba ito kaya sa bansa natin? Mga manbabatas gumawa na kayo ng batas base sa artikulong ito!!!!!
Ngayon kung tatanungin ninyo ako bakit ko alam ang kalakaran ng pagkuha ng lisensiya, ganito ho yun, 1968 pro driver na ako, nagbayad ako ng 40 pesos at wala ng eksa-eksamen, di na ko nagdaan ng student permit kahit hindi ako marunong magmaneho, tinuruan lang ako ng bayaw kong magmaneho o nagpaturo kahit pro na lisensiya ko, dahil kukuha ako ng eksamen sa driving sa kumpanyang papasukan ko, ang PLDT na napakahigpit ang eksamen sa pagmamaneho na napasahan ko naman, at dito na sa kumpanyang ito naging talagang eksperto ako sa pagmamaneho, pero hangang ngayon takot pa din akong magmaneho ng malalaking sasakyan kahit na wala akong aksidente sa loob ng 42 years kong pagmamaneho, dahil iniisip ko, ang minsang pagkakamali ay katumbas ng maraming buhay.....
Salamat ho sa mga nagbasa at inuulit ko, paki-share na lang po sa inyong mga kaibigan ang blog na ito, mahal ko ang mga kababayan ko kaya ako gumawa ng ganitong blog, GOD Bless sa lahat!

No comments:
Post a Comment